Bunsod ng nakaambang pagreretiro ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes sa Pebrero 2, dapat mamili sa isa sa apat na nakaupong commissioner ng poll body kung sino ang tatayong acting chairman habang hinihintay ang mapupusuan ni Pangulong Benigno S. Aquino III bilang kapalit ni Brillantes.

“Hindi natin inaasahan na magtalaga agad ang Pangulo ng chairman. Una rito, hindi niya maaaring gawin iyon habang may sesyon ang Kongreso,” pahayag ni Brillantes.

Aniya, posibleng magtalaga ang Punong Ehekutibo ng isang chairman matapos mag-adjourn ang Kongreso sa Marso.

Naniniwala ang paretirong Comelec chairman na susundin ng Malacañang ang tradisyon sa Comelec na pagtatalaga ng isang senior official sa puwesto, pahayag ni Brillantes.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kung siya ang tatanungin, ang pambato ni Brillantes sa posisyon ay si Commissioner Christian Robert Lim bilang pinaka-senior sa apat na commissioner.

“Kasama ko na siya noon pang 2010 at alam na niya ang background ng mga gawain dito. Ang tatlong iba ay mga bagito pa,” ayon kay Brillantes.

Inaasahan ni Brillantes na kanilang tatalakayin ang isyu sa posibleng pagtatalaga ng acting chairman sa huling en banc session bukas, Enero 28.

Magreretiro rin sa serbisyo sa Pebrero 2 sina Commissioners Lucenito Tagle at Elias Yusoph kaya ang maiiwan sa en banc ay apat na commissioner na kinabibilangan nina Li, Al Parreno, Luie Guia at Arthur Lim.

At dahil apat na lang ang matitirang commissioner, sinabi ni Brillantes na dapat din nilang talakayin ang bubuo ng dalawang division ng Comelec.