Nararamdaman na ang epekto ng patuloy na pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo sa nakalipas na mga buwan kaya naman tatlong rehiyon ang inaasahang magpapatupad ng bawas-pasahe sa jeepney.

Ito ay makaraang ihayag nitong Linggo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pag-apruba sa 50 sentimos na bawas-pasahe sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR) at Western Visayas.

Sinabi ni Atty. Winston Ginez, LTFRB chairman, na ang desisyon ay resulta ng magkakasunod na public consultation sa tatlong nabanggit na rehiyon ngayong buwan.

Kaya mula sa P8.50 minimum na pasahe sa Ilocos Region ay nasa P8 na lang ito, habang P7.50 na lang ang dating P8 na pasahe sa Cordillera.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Samantala, P7 na lang ang dating P7.50 na minimum na pasahe sa Western Visayas.

Gayunman, ayon kay Ginez, saklaw lang ng bawas-pasahe ang unang apat na kilometro sa Ilocos Region at Cordillera, habang unang limang kilometro naman ng biyahe sa Western Visayas.

Ang pasahe sa susunod na kilometro sa Ilocos at Cordillera ay nasa P1.40 pa rin, habang P1.15 naman sa Western Visayas.

Paiiralin pa rin ang 20 porsiyentong diskuwento sa pasahe para sa mga estudyante, senior citizen at may kapansanan, ayon kay Ginez.