MUKHANG light and positive drama series ang type na subaybayan ng mga manonood sa telebisyon ngayon. Ito na siguro ang epekto ng feel-good serye na pinasimulan ng Be Careful With My Heart na napanood sa umaga pero umabot na maging sa gabi.
Sinusubaybayan ng marami nating mga kababayan ang Dream Dad na nakapagpauso na kaagad ng mga katagang “magandang buhay” at “Mr. President.”
Hindi na magandang umaga, magandang tanghali o magandang gabi ang usong batian ngayon, magandang buhay na.
Hindi kataka-taka ang mabilis na pauso ng Dream Dad dahil ito ang nangungunang primetime TV series ngayon. Inaabangan kung buo na nga ba ang loob ni Baste (Zanjoe Marudo) para maging ama at kung ano pa ang mga susunod na mangyayari ngayong napamahal na siya sa ulilang si Baby (Jana Agoncillo). Pero ginagawa na ni Baste ang lahat upang maging opisyal ang pag-ampon sa bata.
Inaabangan din kung paano haharapin ni Baste ang mga responsibilidad bilang ama gayong wala pa naman siyang asawa. At kung ano ang gagawin niya kapag bumalik ang ina ni Baby na si Bebeth (Yen Santos) at bawiin ito sa kanya.
Katunayan ng paghahari ng Dream Dad sa primetime ang mataas na ratings nito. Ayon sa survey ng Kantar Media, noong Huwebes (Enero 22) ay humataw ito sa national TV rating, 28.6%, halos doble ang lamang sa katapat nitong programa sa GMA na More Than Words (14.5%).