Agad na mahaharap sa matinding hamon ang Table Tennis Association of the Philippines (TATAP) dahil ang kanilang isport ang unang paglalabanan ang kauna-unahang nakatayang gintong medalya bago pa man ang pagsambulat ng ika-28 edisyon ng Southeast Asian Games sa Singapore.

Sasabak agad sa aksiyon simula pa lamang Mayo 29 hanggang Hunyo 9 ang Pinoy paddlers para sa mga gintong medalya na nakataya sa men’s and women’s singles, doubles, mixed at sa team event.

“Gustong mawalis ng host na Singapore ang mga nakatayang gintong medalya kaya inagahan nila ang mga events sa table tennis,” sabi ni Rachel Ramos, head ng TATAP Umpires and Referees Development Program at naging umpire sa gold medal match ng men’s team event noong 2012 London Olympics.

Una munang maglalaro ang football sa Mayo 26 bago sundan ng torneo sa table tennis sa Mayo 29. Isasagawa ang synchronized swimming sa Mayo 30 at ang fencing sa Mayo 31. Kabuuang 18 sports naman ang sisimulan sa Hunyo 3 at 4 habang 22 ang isasagawa sa Hunyo 5 na siyang itinakdang araw ng pagbubukas ng multi-sports na torneo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Umaasa naman ang TATAP na makakapag-uwi ito kahit isang gintong medalya sa pagpapadala ng kabuuang 10 katao na binubuo ng 5 lalaki at 5 babae na sasabak sa singles, doubles, mixed at team event ng biennial tournament na gaganapin simula Hunyo 5 hanggang 16.

Isasabak nito sina Richard Gonzales, Glendo Nayre, Isaias Seronio, Rodel Ireneo Valle, Ryan Rodney Jacolo, Ian Lariba, Sendrina Andrea Balatbat, Rose Jean Fadol, Jamaica Dianne Sy at Rommelia Princess Tambo.

“We only have two slots in 2013 with Gonzales and Lariba, yet we were able to bring home a bronze,” sabi lamang ni TATAP president Ting Ledesma.

Maliban sa paglahok sa ITTF GAC Group World Tour Challenge Series Philippine Open sa Mayo 27 hanggang 31, magtutungo dina ng koponan para sumabak sa World Table Tennis Championships na gaganapin sa Zuchen, China sa Abril 26 hanggang sa Mayo 3.

Anim katao na binubuo ng tatlong lalaki at tatlong babae ang isasali nito sa singles, doubles at mixed events sa torneo na nilalahukan ng pinakamagagaling na manlalaro sa buong mundo bunga ng nakatayang puntos para makapagkuwalipika sa 2016 Rio De Janeiro Olympic Games.