TACLOBAN CITY, Leyte – Isang linggo makaraan ang makasaysayan at matagumpay na pagbisita ni Pope Francis sa Archdiocese of Palo ay isang imahen ng Senior Sto. Niño ang namataan ng mistulang natuyong dugo sa dalawang nakataas na daliri nito sa kanang kamay at nais ng Simbahan na maimbestigahan ito.
Sinabi ni Palo Archdiocesan Social Media Director Rev. Fr. Amadeo Alvero na sisiyasatin muna ang insidente ng lokal na simbahan.
Aniya, una munang dapat i-report ang insidente sa pinakamalapit na parokya bago magkokomisyon ang Arsobispo ng isang grupo na magsasagawa ng masusing imbestigasyon sa nangyari.
Sinabi naman ni Sto. Niño Parish Assistant Parish Priest Rev. Fr. Oliver Mazo na kasama ang iba pang pari ng parokya ay tinungo niya ang lugar ng imahen dakong 8:30 ng gabi nitong Biyernes sa utos ni Sto. Niño Parish Priest Rev. Msgr. Alex Opiniano.
Tumanggi rin si Mazo na magbigay ng iba pang detalye sa nangyari, habang hindi naman makuhanan ng pahayag si Opiniano.
Ang imahen ay nadiskubre nitong Biyernes ng umaga ng may akda kasama ang DYVL Aksyon radio announcer at The Freeman correspondent na si Miriam Garcia Desacada, na napadaan sa Balyuan Convention Center na naroroon ang tanggapan ng City General Services (GSO).
Nakita rin ni City General Services Head Evelyn Cordero ang mistulang tuyong dugo sa daliri ng imahen at tinangkang linisin ito pero hindi maalis.
Sinabi naman ni Benjamin Bernido, kawani ng City Hall, na hindi niya alam kung sino ang naglagay ng imahen ng Sto. Niño sa labas ng convention center.
Usap-usapang nababalot din ng milagro ang pagdating ng nasabing imahen ng Sto. Niño sa lugar, dating bahagi ng isang barangay sa Basey, Samar. Umano’y himalang nawala ang noon ay epidemya ng cholera sa lugar matapos dumating ang imahen, na nawaglit naman sa isang sunog sa Semirara.