Gumastos ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit P67 milyon para sa mga tauhan nito na nagbigay seguridad sa limang-araw na pagbisita sa bansa ni Pope Francis.

Sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, na ang pondo ay ginamit sa walong araw na pagkain ng 28,000 pulis habang nag-iikot ang Santo Papa at entourage nito sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at Leyte noong Enero 15-19.

Bagamat limang araw lang sa bansa ang Papa, ipinaliwanag ni Mayor na tatlong araw bago dumating ang leader ng Simbahang Katoliko ay itinalaga na ang mga pulis sa kani-kanilang puwesto bilang paghahanda sa makasaysayang okasyon.

“P300 ang budget sa pagkain sa kada pulis. Tamang tama na ‘yun,” pahayag ni Mayor.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Hindi naman nakapaloob sa P67-milyon budget ang iba pang gastusin, tulad ng gasolina sa paglilipat-lipat ng mga pulis sa iba’t ibang lugar.

Habang aminado si Mayor na hindi sapat ang pondo, iginiit ng PNP spokesman na dapat na maging kuntento sila dahil mahirap kumuha ng karagdagang pondo sa mga panahong iyon bunsod ng mahabang prosesong kakailanganin sa budget release.

Ipinag-utos noong Biyernes ni PNP officer-in-charge Deputy Director General Leonardo Espina ang pagsibak kay Supt. Elizabeth Martos bilang budget officer ng Police Security Protection Group (PSPG), bunsod ng mga reklamo na P700 lang ang natanggap ng ilang pulis na nagbigay-seguridad kay Pope Francis sa halip na ang itinakdang P2,800 meal allowance.

Bukod sa pagkakasibak, isinailalim din si Martos sa restrictive custody ng PNP habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon sa isyu.