Walang plano si Pangulong Benigno S. Aquino III na makialam at isalba si Vice President Jejomar Binay mula sa bagong akusasyon ng korupsiyon na ibinabato sa huli.

Pinaiiral ng Malacañang ang handsoff policy sa imbestigasyon ng Senado sa umano’y mga anomalya na nagdadawit kay Binay, ang pinakahuli ay ang P200-

milyon umanong halaga ng kickback na sinasabing tinanggap ng Bise Presidente mula sa land deal ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) sa isang pribadong real estate firm.

“Kinikilala ng Palasyo ang karapatan ng Senado na magsagawa ng mga pagdinig in aid of legislation at alinsunod sa oversight functions nito,” sabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“Walang komento ang Pangulo sa bagong hearing tungkol sa Vice President,” dagdag ni Coloma.

Ito ang naging tugon ni Coloma sa mga katanungan ng media kung naniniwala ang Malacañang na inosente si Binay sa mga akusasyon laban dito at kung hihimukin ba ni PNoy ang Bise Presidente na humarap sa imbestigasyon ng Senado.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee nitong Miyerkules, inakusahan ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado si Binay ng pagkakamal ng P200 milyon halaga ng kickback mula sa bilihan ng lupain sa pagitan ng BSP at ng Alphaland Corp. para sa development ng isang ari-arian ng BSP sa Makati. Idinagdag pa ng dating kaalyado at malapit na kaibigan ni Binay na ang nasabing halaga ng kickback ay ginamit umano ni Binay nang mangampanya para Bise Presidente noong 2010.

Itinanggi ni Binay, pangulo ng BSP, na nakinabang siya sa nasabing proyekto at binatikos ang aniya’y hindi patas na imbestigasyon ng Senado na layunin lang, aniya, na siraan siya kaugnay ng pagkandidato niyang Presidente sa 2016.

Ilang buwan na ang nakalilipas nang hiniling ni Binay ang isang closed-door meeting kay Pangulong Aquino at sinasabing hinimok ng ikalawang pangulo ang Presidente na hilingin sa mga kaalyado sa Senado na itigil ang imbestigasyon laban sa kanya.

Kalaunan, inamin ni PNoy na ipinaabot niya kay Senate President Franklin Drilon ang mensahe ni Binay at sinabing walang sinuman ang maaaring magdikta sa mga senador.