Isang residente ng Antique ang himalang nakarating sa South Korea mula sa Kalibo International Airport nang walang plane ticket, passport at kahit isang kusing.

Ipinagtaka ng Korean authorities kung paano nakarating sa South Korea si Leah Castro Reginio nang walang kaukulang travel document sa pagsakay sa Philippine Air Lines (PAL) Flight 490 mula sa Kalibo patungong Incheon International Airport noong Huwebes ng hapon.

Habang nasa ere, naghain pa ang PAL crew ng pagkain para kay Reginio tulad ng mga regular na pasahero bagamat wala itong ibinayad na pasahe.

Hinala ng airport authorities na nakapuslit si Reginio sa security cordon, immigration center at maging sa boarding gate ng Kalibo International Airport dahil sa dami ng pasahero, na karamihan ay mga bakasyunista sa Boracay Island at naghihintay ng kanilang flight.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dahil giniginaw sa eroplano, humingi pa ng kumot si Reginio sa isang flight stewardess na walang kamuwang-muwang na ang kanyang pinagsisilbihan ay isang “istokwa.”

Nang mapansin na atubili si Reginio sa kanyang kinatatayuan sa Incheon Airport, nilapitan siya ng Korean airport authorities at doon na nadiskubre na wala siyang plane ticket, passport at pera.

Habang ipinade-deport pabalik ng Pilipinas, tumanggi ang mga flight officer ng PAL na pasakayin ito sa eroplano dahil wala siya sa passenger manifest.

Sa puntong ito, ni-review ng Korean authorities ang CCTV footage sa airport at doon nakita si Reginio habang bumababa sa isang eroplano ng PAL sa Incheon airport dakong 8:45 ng gabi (oras sa Korea).

Walang nagawa ang PAL crew kundi pasakayin si Reginio sa kanilang eroplano pabalik ng Manila at binigyan pa rin ito ng pagkain bilang regular na pasahero.

Nagtapos ang maliligayang araw ni Reginio nang damputin at imbestigahan siya ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa kanyang pagbabalik sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Napag-alaman mula sa mga kaanak ni Reginio na nakararanas ito ng schizophrenia at kung saan-saang lugar na ito nakarating nang walang pera at travel document.