LAOAG CITY, Ilocos Norte – Kinumpiska ng pulisya ang tinatayang P5.5 milyon halaga ng high-grade shabu mula sa isang umano’y kilabot na drug pusher sa buy-bust operation sa Barangay 13 sa Laoag City, kahapon ng umaga.

Dinakip din ng awtoridad ang tatlong kasama ng suspek na si Darren Dela Cruz, tubong Bgy. Utol, Bangui, pero kasalukuyang nakatira sa Bgy. 13 sa Laoag City.

Kinilala ni Supt. Jeffrey Gorospe, hepe ng Laoag City Police, ang tatlo pang naaresto sa operasyon na sina Elmer Dela Cruz, 38, pinsan ni Darren, at taga-Ballesteros, Cagayan; Maricris Calara, 22, kinakasama ni Darren, at taga-Bulacan; at Jenephiene Dela Cruz.

“Nagawa ng ating mga pulis na makumpiska mula kay Darren ang 10 malalaking plastic sachet ng crystalline substance na hinihinalang shabu at tinatayang nasa 500 grams, bukod pa sa ilang illegal drug paraphernalia at isang .38 caliber revolver,” sabi ni Gorospe.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Batay sa panuntunan ng Dangerous Drug Board (DDB), sinabi ni Gorospe na tinatayang nagkakahalaga ng P5.5 milyon ang nakumpiskang shabu mula sa mga suspek.

Ang pagkakasamsam ng 500 gramo ng shabu sa Laoag City ang isa sa pinakamalalaking nakumpiska sa Ilocos Norte.

Batay sa imbestigasyon, kadarating lang ng suspek mula sa Maynila nang maaresto ito.

Nakapiit na si Darren at ang tatlo niyang kasama sa himpilan ng Laoag City Police Office.

Samantala, nakakumpiska ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)- Cordillera, na tinatayang P500,000 halaga ng pinatuyong marijuana bricks sa buy-bust operation sa Governor Pack Road sa Baguio City nitong Sabado.

Ang naaresto at hinihinalang drug pusher ay nakilalang si Arnulfo Dayaoen Sacla, 22, isang magsasaka at residente ng Bakun, Benguet