SA pamamaalam sa ere ng Let’s Ask Pilipinas ay may bagong programa agad na kapalit ang TV5 para kay Ogie Alcasid na mapapanood sa Pebrero, ang singing competition na Rising Stars na iho-host nila ni Venus Raj.
Sa pakikipagtsikahan namin kay Ogie sa launching ng Kapatid Network sa sampung bagong show nila para sa first quarter ng 2015 ay damang-dama ang kanyang kasiyahan at positivity sa naturang mga programa. Nang itanong namin kung alin sa mga ito ang papalo nang husto sa rating, ang mabilis na sagot ni Ogie: “Lahat!”
Ayon sa komedyanteng host, ang Rising Stars ang contest na pinakamadaling salihan. Hindi na kasi kailangang pumila upang mag-audition dahil sapat nang ipadala ang video selfie via the mobile app o kaya’y sumali sa series of regional contests na gaganapin sa mga pangunahing siyudad sa bansa.
Malapit sa puso ni Ogie ang singing search dahil umiinog ang kanyang daigdig sa pagkatha at pagpapalaganap ng Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit (OPM) na siya ang chairman.
Nang mapag-usapan namin ang ilang showbiz personalities na nagbabalak kumandidato sa 2016 elections, tinanong namin siya kung may balak ba siyang mapabilang sa senatorial line-up ng partido ni PNoy na sinusuportahan niya.
“Naku, wala akong kabalak-balak na maging isang public servant. I don’t feel the urge. Mas matimbang sa akin ang magkonsepto ng mga proyektong magdudulot ng ligaya sa publiko. Dapat panindigan ko na sa TV5, dapat lahat ay happy. Susuportahan ko na lamang ang candidate na sa tingin ko ay karapat-dapat,” matatag na sagot ni Ogie.
May ilalabas na bagong album si Ogie na magtatampok ng mga orihinal na komposisyon niya. May duet cuts din sila ng kanyang misis na si Regine Velasquez.
Minabuti din niyang huwag magdaos ng Valentine concert dahil gusto niyang panoorin si Regine sa concert nito kasama sina Martin Nievera, Gary Valenciano at Lani Misalucha sa MOA sa Araw ng mga Puso.