Naglabas ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ng isang panalangin para kay Pope Francis na dadasalin sa mga susunod na araw.

Ito ay bilang tugon sa kahilingan ng Santo Papa na ipanalangin siya ng sambayanang Pilipino, gaya ng pananalangin niya para sa atin.

Hinimok naman ni CBCP President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang mga Pinoy na sama-samang ipanalangin ang Santo Papa, partikular na ang kaligtasan nito.

Ayon kay Villegas, ang inilabas nilang panalangin para sa Santo Papa ay hihilingin nilang dasalin sa lahat ng misa sa mga parokya, shrine, chaplaincy, komunidad at paaralan sa bansa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Maaari rin naman aniyang dasalin ito ng bawat indibiduwal bilang pagtupad sa pangako ng mga Pinoy na ipananalangin ang Santo Papa, gaya ng kahilingan nito nang bumisita sa Pilipinas noong Enero 15-19.

Sinimulan na ang nasabing panalangin para kay Pope Francis at dadasalin hanggang sa Pebrero 22, 2015.

Samantala, plano rin ng CBCP na mamahagi ng mga babasahin ng mga mensahe ni Pope Francis noong papal visit.

Ito ay upang matiyak na maaalala ng bawat mananampalataya ang mga mensahe ng Santo Papa para sa mga Pilipino.

“The Holy Father spoke to us with his heart, in his beloved language. In the following days we will collate all these words in very readable form and send them out to all parishes, schools and communities, where, led by their pastors, the faithful can reflect on them as a community or with their families and friends,” ani Villegas.