IMUS, Cavite – Pagkakalooban ng P20,000 pabuya ang sinumang makapagtuturo ng kahit isang underground tunnel sa siyudad na ito na napaulat na ginamit ng mga Pilipinong rebolusyonaryo laban sa mga Espanyol bago ang ika-20 siglo.

Ang pabuya ay inialok ni 3rd District Rep. Alex “AA” Advincula upang mapabilis ang paghahanap sa umano’y mga tunnel ng mga rebolusyonaryo na ilang dekada nang nababanggit sa mga umpukan sa Imus.

Ang hinahanap na mga tunnel ay ginamit umano ni General Emilio F. Aguinaldo at ng iba pang pinuno ng mga Katipunero sa pagpapalipat-lipat ng mga ito ng lugar upang hindi matunton ng Spanish army.

Sa siyudad naganap ang “Battle of Imus” noong Setyembre 3, 1896 at ang “Battle of Alapan” noong Mayo 28, 1898.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Naniniwala ang matatandang residente ng Imus na maaaring i-develop bilang heritage site o tourist spot ang mga pasukan o labasan ng mga underground tunnel at malaki rin ang maitutulong sa mga educational tour, gaya ng Cu Chi Tunnels ng Vietnam.

Napaulat na may mga underground passageway din sa Kawit, Dasmariñas City at Silang.