Matapos ideklara ng Korte Suprema na legal ang pagkakahalal kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada bilang alkalde ng Maynila, posible bang sa ikalawang pagkakataon ay mailuklok sa Malacañang ang tinaguriang “Idolo ng Masa” sa 2016 elections?
Kung si Supreme Court Spokesman Atty. Theodore Te ang tatanungin, iba, aniya, ang isyu ng pagtakbo ni Estrada sa Maynila noong 2013 sa inilulutang na pagpuntirya nitong muli sa pagkapangulo sa 2016.
“Ibang usapin ang kanyang eligibility sa 2016 presidential elections,” pahayag ni Te sa panayam.
Noong Miyerkules, ibinasura ng kataas-taasang hukuman ang disqualification case na inihain ng kanyang katunggali sa pulitika na si dating Manila Mayor Alfredo Lim at kanyang abogado na si Alicia Risos-Vidal.
Batid ni Te na kinuwestiyon na ang legalidad ng pagtakbo ni Estrada sa pampanguluhan noong sumabak ito sa presidential race noong 2010 subalit hindi ito naresolba ng SC kahit hanggang nanalo ang dating aktor sa mayoralty race noong 2013.
“But the Court did not resolve the issue and decided to dismiss the petition for being moot since Mayor Estrada did not win anyway,” paliwanag ng tagapagsalita ng SC.
Agosto 2010 nang ibinasura ng Korte Suprema ang disqualification case na inihain ni Atty. Evillo Pormento matapos itong ideklarang “moot” ng korte dahil natalo si Estrada sa eleksiyon sa pagkapangulo.
“The Court is not empowered to decide moot questions or abstract propositions, or to declare principles or rules of law which cannot affect the result as to the thing in the issue in the case before it. In other words, when a case is moot, it becomes on-justiciable,” unang pahayag ng SC.