Tukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang motibo sa pagpapasabog ng isang granada sa isang bus terminal sa Cotabato City noong Sabado ng gabi at iniuugnay dito ang isang sindikato na sangkot sa extortion.
Tatlong bus sa Weena Bus Terminal ang nawasak ngunit walang namatay at nasugatan sa insidente na nangyari dakong 7:10 ng gabi noong Sabado sa Ron Rufino Alonzo Street sa Cotabato City.
Sinabi sa ulat ni Cotabato City Police Office(CCPO) Director Senior Supt. Rolen Balquin na dalawang hindi kilalang lalaki na sakay ng motorsiklo ang naghagis ng granada sa terminal ng Weena Bus sa poblacion.
Ang Weena Bus Line ay binili na ng Bachelor Bus Company at ito ay bumibiyahe sa Davao City at Cotabato City, na aktibo ang sindikato sa extortion.
Ayon sa pulisya, ang nasabing grupo rin ang nasa likod ng pagpapasabog sa isang bus sa tapat ng eskuwelahan sa Cotabato City noong nakaraang taon.
Sinisilip din sa imbestigasyon ang kaugnayan ng ibang grupo na tutol sa pagpasok ng Bachelor Bus Company sa Cotabato.