TUNAY NA BUHAY ● Balik na uli si Pope Francis sa Rome, balik na uli ang Pilipinas sa normal na pamumuhay. Tapos na ang pagbabanal-banalan ng nakararami sa atin. Kung iyo ring mapapansin, untiunti nag bumabalik sa dati ang takbo ng ating pamumuhay. Tingnan mo na lamang ang mga taong ginagawang isang malaking tahanan ang Roxas Boulevard; pansanmantala lang silang nangawala pero heto balik sa dati. Tumataas na naman ang krimen: Kamakailan lang, sa Bgy. Gapas, Sta. Fe, Leyte, isang limang buwang buntis ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay matapos gahasain ng sarili nitong tiyuhin.

At hindi pa nahahanap ang salarin magpahanggang ngayon. Sa maningning at sikat na sikat na lungsod ng Makati, isa ang patay at walo ang sugatan sa pamamaril ng kung ilang armadong lalaki noong isang araw; hindi pa mabatid kung ano ang motibo sa pamamaslang sa 22-anyos na binatilyo. Umarangkada na uli ang bentahan ng shabu at lantaran na itong isinasagawa, partikular na sa Caloocan City; ngunit kumikilos na ang mga awtoridad upang supilin ito. Hindi naman puwedeng laging naririto ang Papa upang tumino tayo. Hindi rin naman puwedeng laging makikipagbakbakan si Pacman upang bumaba ang ating crime rate. Nasa ating pagpapasya ang pagbabago upang humilom ang ating bansa, ang ating daigdig.

***

TRANSPARENCY ● Kung hindi reresolbahin ang suliranin sa katiwalian, mananatiling dukha ang mga tao at masisira ang ating planeta. – Isinusulong ang pangungusap na ito ng Transparency-ph. org. Tahasan nilang ipinahahayag, na tiyak na sasang-ayunan mo rin, na napakalaking salapi ang nawawala dahil sa katiwalian. Anila, mananatili ang kaguluhan sa maraming bahagi ng mundo habang pinipihit ng katiwalian ang pagbalangkas ng mga polisiya. Ito ang dahilan kung bakit organisasyon at kumpanya sa mahigit 20 bansa ang nakiisa sa Transparency International (TI) upang ipaalala sa mga gobyerno na upang mawakasan ang kahirapan, kailangang wakasan muna ang katiwalian. Kumikilos ang TI kaugnay ng mga prioridad na itinadhana ng United Nations na ipatutupad sa Setyembre 2015 na ipagpatuloy ang laban sa kahirapan na nagsimula noong 2000 sa Millennium Development Goals. Giit pa ng TI, kailangan na ngayon ang mas gumaganang good governance sa lahat ng pamahalaan sa daigdig. Pakinggan sana ito ng mga may tenga sa ating bansa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho