Itinuring ng isang paring Katoliko ang welcome address ni Pangulong Benigno S. Aquino III kay Pope Francis sa Malacañang noong Enero 16 bilang pinakapangit at pinakanakadidismayang nangyari sa limang-araw ng pagbisita ng Santo Papa sa bansa.

Sinabi ni Fr. Amado Picardal, tinaguriang “Biking Priest,” na hindi niya maintindihan kung bakit binanggit pa ni PNoy ang umano’y mga pang-aabuso ng nakaraang administrasyon sa harap ng lider ng Simbahang Katoliko gayung maraming taon nang nangyari ito.

Dismayado rin ang pari na binatikos din ng Punong Ehekutibo ang ilang obispo at pari dahil sa umano’y hindi pagkibo ng mga ito sa mga isyu ng katiwalian na kinasangkutan ng administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo.

Maging ang numinipis na buhok ng Pangulo ay ginawan din nito ng isyu na ikinagulat ni Picardal.

‘Oratio Imperata for Peace,’ inilabas na ng CBCP

Bagamat aminado si Picardal na mayroon ngang mga lider ng Simbahan na nanahimik sa kasagsagan ng isyu ng katiwalian laban kay Arroyo, mayroon din aniyang mga obispo at pari na bumatikos sa nakaraang administrasyon.

Kabilang dito ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na nagpatawag ng special plenary meeting matapos sumabog ang $329-million National Broadband Network deal na nagsangkot kay GMA kasama ang ibang opisyal ng administrasyon nito.

Kahit hindi tahasang pinagbitiw si Arroyo, sinabi ng Redemptorist priest na mariing kinondena ng CBCP ang kultura ng korupsiyon noong nakaraang administrasyon.