Suportado ng Federation International des Volleyball (FIVB) ang gaganaping eleksiyon ngayon ng Philippine Volleyball Federation (PVF) sa Alano Hall ng Navy Golf Course sa Taguig City.

Kahit hindi dadaluhan ng representante ng Philippine Olympic Committee (POC), wala nang makapipigil pa sa eleksiyon na itinakda ngayon ng mga opisyal at stakeholders ng PVF matapos ang unity meet noong Enero 7.

Sinabi ng isang opisyal ng PVF na nagpadala ng kanyang pagsuporta si FIVB president Dr. Ary S. Graça ng Brazil sa pagsasagawa ng demokratikong proseso upang tuluyan nang mareresolbahan ang kaguluhan sa liderato ng asosasyon sa bansa.

Una nang nagpadala ang FIVB noong Nobyembre 19, 2014 ng isang attestation na kinikilala ang PVF bilang lehitimong miyembro bagamat patuloy itong binabalewala ng POC na bumuo ng sariling asosasyon na kinilala bilang Larong Balibol sa Pilipinas (LBP).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“We hereby confirm that the PVF has been affiliated to the FIVB since 1951 and is also a member of the Asian Volleyball Confederation (AVC). This federation is in good standing with the FIVB, pays its affiliation fees and attends the World Congresses,” sinabi sa attestation ng FIVB.

“The FIVB recognizes this Federation as the legitimate and exclusive authority, under the leadership of its President, WM Karl Geoffrey Chan II and its secretary general Dr. Rustico Camangian, to govern Volleyball and Beach Volleyball in the Philippines,” ayon pa sa sulat.

Gayunman, tuluyan nang tinuldukan ng POC, sa isinagawang general assembly noong Miyerkules, ang pagkilala sa PVF na matagal nang hindi miyembro ng sports governing body sa bansa.

Sinabi ni POC secretary general Steve Hontiveros na napagtanto sa Executive Board meeting na kinakailangan uli ng PVF na magre-apply upang makunsidera ang pagiging miyembro sa asosasyon.

Nabuo ang desisyon ng POC Executive Board matapos na maberipika na mayroong dalawang magkahiwalay na grupo na bumibitbit sa pangalan ng PVF na binuo sa magkahiwalay na taon sa listahan ng Securities and Exchange Commission, ang una ay noong 2005 at ang ikalawa ay noong 2014.

Ipinaliwanag ni Hontiveros na ang 2005 PVF na siyang kinikilala ng POC ay lubhang kaiba mula sa 2014 PVF na nakasaad na sina Chan at Camangian ang presidente at secretary general.

Idinagdag ni Hontiveros na para maisaayos ng PVF ang kaguluhan at upang muling kilalanin ng POC ay muli silang mag-apply para sa membership.

“They have to apply again and go through the process of getting recognition from the international federation,” pahayag ni Hontiveros.

Huling nagtalaga at inaprubahan ng pamunuan ng PVF, sa isinagawang Board of Directors meeting noong Mayo 30, 2013 sa Vito Cruz, Manila, ang liderato matapos na magbitiw sa posisyon ang dating pangulo na si Gener Dungo.

Pinalitan nila si Dungo sa pagluklok kay Chan bilang presidente habang ang chairman ay si Pedro Mendoza. Si Mendoza ay namayapa noong nakaraang taon at pinalitan naman ni Edgardo Cantada. Pumalit sa puwesto ni Chan si Artagnan Yambao bilang bise-presidente.

Ang iba pang opisyales ay sina Victor Abalos (Commissioner), Roger Banzuela (Treasurer), Minerva Dulce Pante (Auditor), Nestor Bello (Referees Chairman), Yul Benosa (Rules Chairman) at Adrian Paolo Laurel (PRO).

Ang mga board member ay sina Jose Gary Jamili, Alfredo Infante, Marvin Trinidad at Virginia de Jesus.