Naniniwala ang Arellano University (AU) women`s volleyball team sa kasabihang,``Kapag may tiyaga, may nilaga!``

At noong nakaraang Biyernes, ganap na nilang nakamit ang bunga ng ginawa nilang pagtitiyaga matapos makamit ang kanilang unang titulo sa liga matapos ang anim na taong paghihintay.

Pormal na winalis ng Lady Chiefs, sa ilalim ng kanilang coach na si Obet Javier, ang best-of-three finals series nila ng San Sebastian College (SSC) sa pamamagitan ng 25-23, 25-19, 26-24 panalo sa Game Two.

Saksi sa nasabing makasaysayang panalo sina Arellano president Jose Cayco, Marketing at athletic director Val Cayco at Management Committee representative Peter Cayco.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ang volleyball title, ang ikatlong titulo na napanalunan ng Arellano sa itinuturing na pinakamatandang collegiate league sa bansa at ikalawa ngayong season 90 makaraang maghari sa seniors chess sa first semester at magwagi sa men`s beach volleyball ng dalawang sunod na taon noong 2010 at 2011.

“The school and the whole Arellano University community is proud of the team and hopefully, this is a start of something bigger for us,” ani Peter Cayco.

At nagawa nilang makamit ang titulo sa pamamagitan ng pagtutulungan ng buong koponan.

“ Talagang total team effort ito. Kung mapapansin ninyo sa awarding ng individual awards ay wala kahit isang Arellano player na nabigyan ng award,`` pahayag ni Javier.

``Kasi hangga`t maari sinisikap namin na ma-involved lahat, ‘yung bawat isa may contribution sa lahat ng mga ginagawa namin mapa-offense man o defense, mula practice hanggang sa actual game, at ito ‘yung bunga ng lahat ng sakripisyo namin,`` ayon pa kay Javier.

Kumpara sa ibang mga koponan, ang kanilang starting unit na binubuo nina finals MVP Menchie Tubiera, Danna Henson, Shirley Salamagos, CJ Rosario, team captain Rialen Sante at ang nag-iisang graduating player at setter nilang si Angelica Legacion ang naghalinhinan at nagtulung-tulong sa pamumuno sa team sa kanilang bawat laban.

At kung papalarin, dahil isa lamang ang mawawala sa kanilang roster, hindi malayong makabalik silang muli sa ikatlong sunod na taon sa susunod na season sa finals para maipagtanggol ang kanilang titulo.