Muling iginiit ng Bayan Muna Party-List sa Korte Suprema na ipahinto at pawalang-bisa ang taas pasahe na ipinatupad ng Department of Transportation and Communications (DoTC) sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).

Ito ay sa pamamagitan ng manifestation na inihain nina Bayan Muna Representatives Neri Colminares at Carlos Isagani Zarate, Antonio Cruz, Yvonnne Luna at Carl Ala.

Ayon sa mga petitioner, mismong si DoTC Undersecretary Perpetuo Lotilla ang umamin sa congressional hearing nitong Enero 8 na walang hurisdiksiyon ang kagawaran para magpalabas ng kinukuwestiyong DoTC Department Order 014-2014 na nag-aatas ng taas-pasahe.

Dahil dito, ayon sa Bayan Muna, ay dapat na umanong mapawalang-bisa ang kuwestiyonableng order ng kagawaran.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Inamin din umano ng mga respondent na walang aktuwal na pagdinig na isinagawa kaya malinaw umanong nabalewala ang right to due process ng publiko.

Iginiit pa ng mga petitioner na hindi makahahadlang ang temporary restraining order o status quo ante order na hinihimok nilang ipalabas ng Korte Suprema sa planong rehabilitasyon at pagkukumpuni sa LRT at MRT.

Mayroon na raw kasing inilaan ang gobyerno na halos P12 bilyon para sa rehabilitasyon ng LRT at MRT, sa ilalim ng 2015 national budget at 2014 supplemental budget.