Binalaan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa United Arab Emirates (UAE) laban sa mga hindi nababayarang utang at tumatalbog na tseke, na nagiging dahilan upang makulong ang maraming Pinoy sa UAE.
“Maraming tao ang naeengganyo na mag-apply ng loan sa UAE bunsod ng iba’t ibang dahilan. Kumakagat sila sa mababang interes, bagamat hindi napapansin ang iba pang charges na hindi lumalabas sa dokumento na posibleng kumain ng hanggang 18 buwan ng kanilang suweldo,” pahayag ng DFA.
Ayon pa sa DFA, tanging hinihingi lang ng mga bangko para sa loan application ay certificate of employment kaya mabilis ang proseso para maaprubahan ang isang loan scheme.
Subalit sinabi ng kagawaran na mahirap hawakan ang mga kaso na may kaugnayan sa pagkakautang, lalo na kung mayroon nang inihaing kaso laban sa borrower dahil ito ay pribadong transaksiyon ng umutang at nagpautang.
“Philippine diplomatic missions cannot intervene in these cases,” saad sa pahayag ng DFA.
Ibinahagi ng DFA ang kaso ng isang OFW sa Dubai na hindi nakaalis ng bansa dahil sa pagkakautang sa bangko na umabot sa AED80,000 o US$21,700 matapos maghain ng kaso laban sa Pinoy worker.