Ayon sa survey ng Social Weather Station (SWS), 52% ng pamilyang Pilipino o aabot sa bilang na halos 11.4 milyong pamilya ang nagsabing sila ay mahirap. Ayon din sa SWS, 41% ng pamilyang Pilipino o halos 9.1 milyong pamilya ang nagsabi namang sila ay food-poor o para sa mahihirap ang kinakain nila.
Matagal na ngang laganap ang kahirapan sa bansa. Ngunit naniniwala pa rin ang pamahalaan na ang Conditional Cash Transfer Program ay isa pa ring epektibong pamamaraan upang masugpo ang kahirapan at kagutuman sa bansa. Maliban dito, naniniwala din ang pamahalaan na sa pamamagitan ng foreign investors ay mapupunan ang mga kakulangan sa ekonomiya ng ating bansa.
Huwag sanang matali ang pamahalaan sa paniniwala na ang pagbibigay ng libreng pera sa mahihirap ay mag-aahon sa kanila mula sa kahirapan. Huwag din sanang umasa lamang sa foreign investors ang pamahalaan para magkaroon ng kita ang mga mahihirap nating kababayan.
Ang panlipunang turo ng Simbahan ay matagal nang isinusulong ang preferential option for the poor. Iginigiit ng Second Plenary Council of the Philippines na ang pagpiling ito na alinsunod sa pagsunod kay Kristo ay nangangailangan ng mabilis na pagtugon sa ating bayan kung saan ang malaking bahagi ng ating mga mamamayan ay nakalublob sa kahabag-habag na karalitaan at pagdurusa, habang iginagawad naman sa mga mayayaman at makapangyarihan ang napakalaking panlipunang pribilehiyo at paggalang.
Dumating si Kristo upang ipahayag ang mensahe ng kaligtasan para sa mga dukha. Dahil dito, ang batayan ng pagpiling ito ay ang mga turo at gawa ni Kristo mismo na nagpahayag ng sariling pag-ibig ng Diyos.
Mahalaga ding pakinggan natin ang mensahe ni Pope Francis ukol sa tinatawag niyang iskandalo ng kahirapan. Ayon kay Pope Francis, “The times talk to us of so much poverty in the world and this is a scandal. Poverty in the world is a scandal. In a world where there is so much wealth.”
Iskandalo, mga kapatid!