Nasa Rome na si Pope Francis matapos ang kanyang limang araw na pagbisita sa Pilipinas, ngunit ang malinaw niyang naaalala ay ang pakikiharap ng mga mamamayang Pilipino sa kanya, sa ating pananampalataya, sa ating pagmamahal sa mga bata at pamilya. Sinabi niya sa kanyang tagapakinig sa Paul VI Hall sa Vatican na ang kanyang pangunahing dahilan sa pagbisita sa Pilipinas ay “to be close to our brothers and sisters who were affected by the devastation of super-typhoon Yolanda.”

Ang tipo ng Yolanda bilang isang matinding unos ang bumabagabag sa daigdig ngayon. Sa 315 kilometro kada oras na hangin nito, ito na ang pinakamatinding bagyo na tumama sa bansa. Ni hindi nakaranas ng ganoong kalakas na hangin ang mga residente ng Leyte, Samar at sa iba pang lalawigan ng Eastern Visayas, ni hindi sila dumanas kahit kailan ng storm surge na mistulang nagwalis ng lahat ng madaanan nito.

Sa pagbisita ng Papa sa Pilipinas, hiniling ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang kanyang moral intervention hinggil sa isyu ng climate change na idiniin nitong dahilan ng mga kalamidad tulad ng pananalasa ng Yolanda sa Leyte. Hiniling ng CBCP sa Papa na manawagan sa lahat ng gobyerno na magpatupad ng iba’t ibang hakbang upang maibsan ang mga epekto ng climate change at suportahan ang mga pagkilos laban sa pagsusunog ng fossil fuels.

Sa simula ng kanyang pag-iral noong Marso 2013, nanawagan na si Pope Francis sa sangkatauhan “to respect God’s gift of creation and to exercise wise stewardship of its resources for the benefit of the whole human family.” Ipinaliwanag niya ito sa kanyang inihandang talumpati sa Tacloban City kung saan hinimok niya ang mga mananampalataya na tumingin gamit ang mga mata ng pananampalataya sa “beauty of God’s saving plan, the link between natural environment and the dignity of the human person.”

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Unti-unti nang tumutugon ang mga world leader sa panawagang kumilos laban sa climate change. Si Pangulong Barack Obama ng Amerika, sa kanyang State of the Union message, ay bumanggit ng isang kasunduan nito sa China, kung saan sa ilalim nito ay dodoblehin ng Amerika ang pagsisikap na bawasan nito ang carbon pollution habang nangako naman ang China sa unang pagkakataon na limitahan ang mga ibinubuga nito sa hangin.

Naghahanda na umano si Pope Francis ng isang encyclical (liham para sa mga obispo) hinggil sa kapaligiran na ilalabas niya sa Hunyo, bago magpulong ang United Nations tungkol sa climate change sa Paris, France sa Nobyembre. Masasabi natin na kabahagi tayo sa pagbubuo ng pag-iisip ng Papa sa kritikal na isyu ng climate change, simula sa araw na iyon noong isang taon nang humagupit ang super-typhoon Yolanda ang ating bansa at nagpasya siyang bisitahin tayo upang makiramay at hilingin ang pagpapala ng Diyos para sa atin.