DASMARIÑAS CITY, Cavite – Dahil sa negatibong epekto sa kabataan, ipinagbawal ng mga opisyal ng barangay ang maglaro ng computer game na Defense of the Ancients o DOTA sa Barangay Salawag sa siyudad na ito.
Ito ang nakasaad sa Barangay Resolution 008-S-2015 na inaprubahan ni Chairman Enrico S. Paredes at nina Kagawad Rodolfo C. Caldo Jr., Carlos C. Sabale, Hima L. Acosta, Emedio M. Galgo, Victor O. Topacio, Esteban R. Malana, at Elliz Jan P. Pagente.
Ito ang unang pagkakataon sa mundo na ipinagbawal ang DOTA computer game sa isang unit ng gobyerno, ayon sa mga opisyal ng barangay.
Ang DOTA ay isang online battle game na popular ngayon sa kabataan.
Ito ay nilalaro ng kabataan sa internet café o maging sa kanilang bahay na may internet line.
Iginiit ng mga opisyal ng barangay na natutuloy sa pustahan ng mga estudyante ang paglalaro ng DOTA at madalas din itong pinagmumulan ng gulo.
Bukod dito, nauubos din ang allowance ng mga estudyante dahil sa paglalaro ng DOTA sa internet shops at pustahan.
Puno ng karahasan, madalas na maririnig ang estudyante na sumisigaw o nagmumura habang nakikipagbakbakan sa mga kalaban sa online game. Sa mga naglalaro sa kani-kanilang bahay, ang mga estudyanteng player ay karaniwang napupuyat dahil sa computer game addiction.