Wala pang desisyon si Justice Secretary Leila de Lima kung tatanggapin niya ang posisyon bilang Comelec chairperson sakaling ialok ito sa kanya ni Pangulong Benigno S. Aquino III.
Inamin mismo ng kalihim sa mga mamamahayag na binisita siya ni Comelec Chairman Sixto Brillantes nitong Huwebes para personal na kumbinsihin na maging kapalit nito sa puwesto.
Nakatakdang magretiro si Brillantes sa Pebrero 2 kasama ang dalawa pang komisyuner ng Comelec na sina Lucenito Tagle at Elias Yusoph.
Gayunman, sinabi ni De Lima na hindi pa siya nakakapagpasya.
Mula sa Department of Justice (DoJ), hindi pa umano alam ng kalihim kung saan siya susunod na manunungkulan, sinabing depende pa raw sa magiging kagustuhan ni Pangulong Aquino.
Si De Lima ay isang kilalang election lawyer bago itinalaga ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang chairperson ng Commission on Human Rights (CHR), at naging DoJ Secretary sa ilalim ng Aquino administration.