Pormal na inilunsad kahapon ang pagdaraos ng coaching clinic na pinangunahan ni Jr.NBA/Jr. WNBA head coach Chris Summer na idinaos sa British School gym sa Taguig City.
Kasabay sa naganap na paglulunsad ang pormal ding pagtanggap ng pamunuan ng Alaska, ang pangunahing tagapagtaguyod ng Jr.NBA at Jr. WNBA Philippines program, ang nagbabalik na si Jeffrey Cariaso.
Mismong si Alaska President at CEO Wilfred Steven Uytengsu ang muling nanguna sa pagtanggap sa pagbabalik ni Cariaso na siya na ngayong mamumuno at mamahala sa Alaska Power Camp na katuwang ng Jr. NBA at Jr. WNBA sa pagsasagawa ng kanilang mga aktibidad sa buong kapuluan kapalit ng dating pinuno na si Jojo Lastimosa na ngayo`y bahagi na ng NLEX.
Pansamantala, ayon kay Cariaso, ay itutuon muna niya ang kanyang panahon sa pagganap sa kanyang bagong tungkulin na aniya`y malapit din sa kanyang puso dahil gustung-gusto niya na makapagturo at maibahagi ang kanyang nalalaman tungkol sa basketball sa mga kabataan.
Kabilang na rito ang sipag, tiyaga, disiplina, determinasyon at higit sa lahat ay integridad na sa Alaska niya natutunan at lumago magmula nang i-draft siya ng koponan hanggang sa maging isa na siyang mentor.
``It`s really nice to be back home. I consider Alaska as my home because it is here where I started and why reached this far,`` ani Cariaso na hindi muna nagkomento kung babalik din siya bilang bahagi ng Alaska team coaching staff sa PBA.
Kaugnay pa rin sa naganap na tip-off, nangako naman ang NBA at Alaska na pagsisikapan nilang mas mapalaganap pa ang naabot ng kanilang programa.
``Togerher with our long standing partner Alaska, we will work to improve and expand on our program, bringing it to more cities and communities each year and making it a more inclusive and unique for Filipino youths everywhere,`` pahayag ni NBA Philippines Country manager Carlo Singson.
Susunod na aktibidad nila sa taong ito ang follow-up clinic at open clinic para sa mga player na gaganapin sa Bacolod City sa Enero 31 hanggang Pebrero 1 na susundan ng serye ng iba pang school clinics at regional selection camps sa iba`t ibang bahagi ng bansa mula Pebrero hanggang Abril na kinabibilangan ng Puerto Princesa, Binan, Iloilo, Baguio, Bacolod, Davao at Manila.
Sa naturang regional selection camps, pipili ng 50 kabataang lalaki at 24 babae na makalalahok sa National Training Camp na idaraos sa Manila sa Abril 24-26.
Sisimulan na rin ang paghahanap ng finalists, 10 sa Jr.NBA at 4 sa Jr.WNBA, kung saan ay hihirangin ang Coach of the Year.