Idedepensa ng Pilipinas ang hawak na dalawang gintong medalya sa men’s at women’s softball sa pagsabak sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.
Sinabi ni Amateur Softball Association of the Philippines (ASAPhil) director Randy Dizer na hindi pakakawalan ng PH men’s at women’s softball team ang kambal na tagumpay na kanilang napasakamay dalawang taon na ang nakalipas kahit na target ng host Singapore na agawin ang mga medalya.
“Alam naman natin na papaangat ang Singapore sa softball pero gagawin ng AsaPhil ang lahat para manatili sa Pilipinas ang ginto sa men’s at women’s softball,” sinabi ni Dizer, na kabilang sa coaching staff ng Blu Girls.
Tatlong Fil-Americans ang idinagdag upang mas mapalakas ang Blu Girls habang tututukan ng ASAPhil ang Blu Boys matapos na makalasap ng kabiguan noong Disyembre kontra sa Indonesia sa ginanap na 2014 Asian Men’s Softball Championship sa Singapore.
Matatandaan na nabigo ang Blu Boys, 8-9, sa Indonesia sa eliminasyon bago nakabawi sa mahigpitang labanan nang kamkamin ang 4-3 panalo sa Page System semifinals.
Pumangalawa ang Pilipinas sa likod ng Japan upang umusad sa World Men’s Championship sa Saskatoon, Canada. Isasagawa ang World Championship sa Hunyo 26 hanggang Hulyo 5 na eksaktong sampung araw matapos ang SEAG.
Balak din ng AsaPhil na ipadala sa ibang bansa upang sanayin ang men’s at women’s national team. Plano nilang ipadala ang Blu Girls sa Australia o Chinese-Taipei habang ang Blu Boys ay sa Australia o New Zealand.
Kasalukuyang hinihintay ng men’s team ang detailed service ng mga atleta na miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bago simulan ang training habang sa Marso gaganapin ang paghahanda ng women’s team dahil naglalaro pa sa kasalukuyan ang ibang miyembro sa UAAP.