Bukas si Vice President Jejomar C. Binay sa posibilidad na makatambalan o makatunggali si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa May 2016 elections.

“Bakit naman po hindi?” tanong ni VP Binay nang tanungin ng radio anchor sa panayam sa Cauayan City, Isabela noong Biyernes, hinggil sa posibilidad na makatambalan niya si Estrada sa susunod na halalan matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang legalidad ng pagkakahalal ng alkalde sa Maynila noong 2013.

Hindi rin nababahala si Binay kung tumakbo si Estrada sa pampanguluhan sa 2016.

“Okay din iyon, habang dumarami ang tumatakbo, nagkakaroon ng pagkakataong makapili nang tama ang ating mga kababayan,” pahayag ni Binay.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Maging ang balitang pagpayag ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pagsabak sa 2016 presidential race ay hindi ikinabahala ni Binay.

Sa kabila ng kaliwa’t kanang kontrobersiya sa katiwalian, kumpiyansa si Binay sa tagumpay niya sa halalan dahil nananatili siyang presidential front runner sa iba’t ibang survey sa nakalipas na mga buwan.

Matapos ihayag ng kataas-taasang hukuman ang desisyon nito sa electoral protest pabor sa dating Pangulo ay inilutang ng 77-anyos na si Estrada ang posibilidad na sumabak sa “mas mataas na posisyon” dahil sa aniya’y kagustuhan ng maraming mamamayan.