Binigyan ng parangal ng Philippine Sports Commission (PSC) ang 12 empleyado nila na matagal na nagsilbi sa ahensiya, kasama ang 15 retiradong mga atleta, sa kanilang ika-25 taong selebrasyon sa PSC Badminton Hall.
Binigyan ng plake at mamahaling relos dahil sa kanilang 20-taong pagseserbisyo sa gobyerno sina Elmer Arreza, Roselle Destura, Jose Marie Gispert, Nancy Gonzales, Rolando Jose, Maria Matea Linco, Janette Manalo, Gloria Quintos at Roldan Sadsad.
Kinilala rin ang serbisyo sa loob ng 15-taon sa ahensiya na sina Manuel Bitog, Irma Cruz at Nestor Samson.
Iginawad din ang retirement benefits sa mga dating atleta, base sa Incentives Act, kina Joan Tipon, Violito Payla, Harry Tañamor, Larry Semillano, Genebert Basadre, Joegin Ladon, Roel Castro, Bill Vicera at Mitchel Martinez, gayundin ang billiard player na sina Antonio Gabica at Antonio Lining, judoka John Baylon, gymnast Roel Ramirez, taekwondo jin Manuel Sy Ycasas, marathoner Roy Vence at wushu artist Mary Jane Estimar.
Samantala, ikinatuwa ni PSC Chairman Richie Garcia ang pagkilala ng internasyonal na asosasyon sa football na FIFA bilang “2-Star” standard ang Rizal Memorial Sports Complex artificial pitch.
Iginawad kay Garcia ang plake mula mismo kay FIFA president Joseph Blatter noong Biyernes ng umaga kung saan ay inihayag nito ang magandang balita sa harap ng mga opisyal ng PSC at POC at maging sa mga kawani ng ahensiya.
“Ang plake ay nagdedeklara sa Rizal Memorial football field bilang “2-Star” standard field by the FIFA. Ang “2-Star” ang pinakamataas na standard na puwedeng ibigay ng IF at nangangahulugan ito na puwede nang magdaos ng FIFA sanctioned international events ang Pilipinas,” masayang sinabi ni Garcia.