Kailangan pang maghintay ng mas matagal ni dating world No. 1 Caroline Wozniacki para sa kanyang unang titulo sa Grand Slam.
Ang No. 8 ay nalaglag kontra kay Victoria Azarenka sa ikalawang round ng Australian Open kahapon, 6-4, 6-2.
Masyado pang maaga sa torneo para sa nasabing high-profile matchup, ngunit na-line up ang laban dahil si Azarenka, isang two-time Australian Open champion, ay ranked 44 sa mundo makaraang makipagbuno sa ilang injuries.
Nakaabot si Wozniacki sa semifinals sa Melbourne noong 2011, ngunit sumadsad na siya mula roon.
“I think it’s a curse I’ve gotten here,” aniya. “I’ve made semis, then quarters, then fourth round, then third round, this year second round. It’s kind of gone that way the last few years. Hopefully I’m going to break that next year and start going the other way.”
Ang American na si CoCo Vandeweghe ay aabante rin sa ikatlong round matapos talunin ang 20th-seed na si Sam Stosur noong Huwebes, 6-4, 6-4. Si Stosur ay isang dating U.S. Open champion at ang huling Australian woman na natitira sa draw.
Si Vandeweghe, 23, ay nagpakawala ng 11 aces at nakatama ng 29 winners sa laban.
“This is my first time on Rod Laver Arena, to play against Sam, I couldn’t ask for a better intro,” aniya. “I’m sorry to beat a hometown favourite.”
Makakatapat ni Vandeweghe ang kapwa American na si Madison Brengle sa susunod na round, ang kanilang unang pagtapak sa ikatlong round ng isang grand slam. Tinalo ni Brengle si Irina Falconi, 6-1, 6-3.
Umabot din sa third round si Venus Williams habang umabot naman sa doubles ang magkapatid na Williams para sa second round.