Muling magiging punong-abala ang Table Tennis Association of the Philippines (TATAP) sa International Table Tennis Federation (ITTF) GAC Group World Tour Challenge Series Philippine Open sa Mayo 27 hanggang 31 sa Subic Bay Exhibition and Convention Center.

Ito ang inihayag ni TATAP president Ting Ledesma sa paglulunsad ng buong programa ng asosasyon sa 2015 sa hangad na rin na mapalawak at mas mapaunlad ang table tennis sa bansa.

“We will be reaching high in 2015,” sinabi ni Ledesma, na nakasama ang mga opisyal na sina Vice President Arnel Beroya, Chairman Domingo Panlilio, Secretary Rene Legaspi, women’s head coach Noel Gonzales, men’s head coach Lauro Crisostomo at Team Manager Jose Nicolas Cawed.

Nakataya sa top level na ITTF World Tour Challenge ang qualifying points na makakapagbigay karapatan sa mga manlalaro para makuwalipika sa gaganaping 2016 Rio de Janeiro Olympics sa Brazil. Dagdag sa ikalawang hosting ng bansa sa torneo, na may nakatayang kabuuang P45,000 premyo, ang doubles event.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“It will be our first exposure tournament on our preparation for the SEA Games,” pahayag ni Ledesma. “We will also be joining the World Tennis Championships in Zunchen, China on April 26 to May 3 before finalizing our training for the Singapore Games.”

Bilang panimula, magsasagawa ng libreng clinic ang TATAP sa buong bansa bago ang ITTF Coaching Course Level 1 at Level 2 para madagdagan ang kabuuan nilang 24 na certified level 1 coach. Asam ng programa na mabigyan ng tulong ang mga coach at mapalawak ang grassroots program nila.

Gaganapin din ang pangunahing Super League kung saan tampok ang mga manlalarong ipiprisinta ang kanilang local government units (LGU’s) na magsisimula sa Abril. Ang torneo ay team event na bukas para sa lahat ng mga manlalaro ng table tennis.

Balak naman na ipadala ang junior at training pool members sa Singapore SEA Games upang bigyan ng tsansa ang mga papaangat na miyembro, gayundin ang ilan nilang binabalak na sasalihang international exposures.

Hangad din na maisakatuparan ang Corporate Social Responsibility (CSR) program para sa mga under-privileged, less fortunate at incarcerated community sa pagtungo sa Tacloban City sa susunod na buwan upang isagawa ang dalawang araw na clinics.

“Gusto namin na ibalik ang sigla ng mga manlalaro natin sa Leyte na nasalanta ng bagyong ‘Yolanda’. Medyo matagal na silang hindi nakapaglalaro at gusto natin silang mainganyo at magbalik sa table tennis,” giit ni Ledesma.