NAGSALITA si Pangulong Barack Obama ng Amerika hinggil sa malalawak na isyu sa kanyang ginawang State of the Union speech noong isang araw – ang values ng Amerika bilang isang bansa, ang pangangailangang talakayin ang trans-Pacific at trans-Atlantic free trade agreements, ang pangangailangang protektahan ang isang open Internet, na naninindigang kasama ng lahat ng tao sa buong daigdig na inaasinta ng terorismo, paglaban sa climate change, pagbabawas ng pagsandig sa foreign oil, at pananatili ng pagkakaisa ng Amerika sa harap ng pagkarami-raming pagkakaiba-iba.
Malaking bahagi ng kanyang talumpati ang may kinalaman sa ekonomiya, lalo na’t apektado nito ang karaniwang mamamayang Amerikano. Tinawag niya itong Middle-Class Economics, na may diin sa pamumuhay, mga interes, mga suliranin ng karaniwang mamamayan.
“Tonight,” panimula niya, “after a breakthrough year for America, our economy is growing and creating jobs at the fastest pace since 1999. Our unemployment rate is now lower than it was before the financial crisis.” At pagkatapos, ipinaliwanag niya na ang Middle-Class Economics ay kinabibilangan ng pagpapababa ng buwis para sa mga manggagawa, pagbibigay sa bawat manggagawa ng pitong araw na bayad na sick leave, mas mataas na sahod at pantay na suweldo sa mga lalaki at babaeng manggagawa, dalawang taong libreng community college bilang karagdagan sa kasalukuyang libreng edukasyon sa high school.
Ipinagmalaki niya na mula 2010, mas maraming Amerikano ang naibalik sa trabaho kaysa Europe, Japan, at iba pang pinagsamang advanced economies. Ang American manufacturers, aniya, ay nagdagdag ng halos 800,000 bagong trabaho.
Nanawagan siya para sa isang programang pang-imprastraktura na lilikha ng mahigit sa 30 beses na dami ng trabaho kada taon. Kailangan aniyang himukin ang American executives na bawiin ang mga trabahong ipinagkaloob ng mga ito sa ibayong dagat. Kailangang magtayo ang Amerika ng mga bagong industriya na lilikha ng mga bagong trabaho. Kailangan ding tigilan nitong maggawad ng pabuya sa mga kumpanya na nagpapanatili ng kita sa ibayong dagat at bigyan ng pabuya ang mga namumuhunan sa Amerika.
Magiging mainam para sa ating gobyerno na pakinggan si Pangulong Obama. Narito ang pinakamalaking ekonomiya sa daigdig na may isang working plan upang lumikha ng mas maraming trabaho, ang itaas ang sahod, na magkaloob ng libreng pagsasanay sa kolehiyo para sa mga trabahong kailangan sa mga bagong industriya tulad ng coding at robotics. Narito ang isang bansa na may tiyak na plano na magkaloob ng mas marami at mas mainam na trabaho para sa mga mamamayan nito.
Kailangang magkaroon din tayo ng sariling plano. Kailangang katamtaman lang ito sapagkat limitado ang ating resources, ngunit dapat na nakatuon sa paglikha ng trabaho, sa halip na ayuda lang. Maaaring magkaloob ito ng mga insentibo sa mga manufacturer, sa mga negosyanteng pang-agrikultura, sa mga foreign investor. Kailangan ito bago kailanganin ng ating milyun-milyong manggagawa na magpunta sa ibang bansa upang manghanap ng trabaho bilang Overseas Filipino Worker. Maaari tayong magsimula ngayon.