Sasagupa ngayon at bukas ang pangunahing table tennis player ng bansa na si Richard Gonzales na target masungkit ang pinakamimithing gintong medalya ng Table Tennis Association of the Philippines (TATAP) sa gaganaping World Ping Pong Championships (WPPC) 2015 sa Allesandria Palace sa London, England.

Umalis noong Miyerkules ang 43-anyos at tubong Cebu City na si Gonzales na ang hangad ay malampasan ang iniuwi nitong tansong medalya sa torneo noong 2014 kung saan ay tampok ang pinakamagagaling na manlalaro sa buong mundo.

“Sanay na sanay si Richard doon sa paddle kaya maganda ang chance niya na maimprove niya ang last placing niya na naiuwi niya ang bronze medal,” sinabi ni TATAP Vice President Arnel Beroya. “Hopefully, sana maiuwi niya ang silver o kung susuwertihin ay ginto na.”

Matatandaan na huling kinubra ni Gonzales ang tansong medalya noong 2013 SEA Games sa Myanmar kahit iniinda nito ang natamong pilay habang nasa kasagsagan ng labanan para sa Oredoisang silya sa kampeonato.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Samantala, umaasa naman ang TATAP na makakapaghablot ng pinakamimithing gintong medalya ang mga manlalaro sa kada dalawang taong SEA Games na gaganapin sa Singapore matapos ang nakalipas na produktibong kampanya kung saan ay tampok ang mga batang manlalaro.

Ipinagmalaki ng TATAP ang napasakamay na gintong medalya ng Pilipinas sa girls doubles sa ginanap na ASEAN School Games sa bansa, gayundin sa ASEAN University Games na ginanap sa Jakarta, Indonesia kung saan ay nagbulsa ng tansong medalya ang 18-anyos na si Ian Lariba.

Pinaghahandaan na rin ng asosasyon ang kampanya sa 28th SEA Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16 kung saan ay isasabak sina Gonzales, Glendo Nayre, Isaias Seronio, Rodel Ireneo Valle, Ryan Rodney Jacolo, Ian Lariba, Sendrina Andrea Balatbat, Rose Jean Fadol, Jamaica Dianne Sy at Rommelia Princess Tambo.