Hindi lamang umano pasaway ang ilang national sports associations (NSA’s) sa pagsusumite ng kanilang shortlist para sa mga ilalahok na atleta sa 28th Southeast Asian Games (SEAG) kundi maging na rin sa Commission on Audit (COA).

Dalawa pa lamang sa 56 miyembro ng NSA’s na kabilang sa Philippine Olympic Committee (POC) ang patuloy na hindi nakakapag-ulat ng kanilang mga pinagkagastusan mula sa hininging pondo sa Philippine Sports Commission (PSC).

“Very strict ang memorandum ng COA,” sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia. “Unless our NSA’s able to liquidate the funds that they asked, saka lang natin sila muling mabibigyan ng kanilang pondo na magagamit nila para sa kanilang training and preparation for the SEA Games.”

Iniatas ng COA kamakailan sa PSC ang istriktong implementasyon sa pagbabawal ng pagbibigay ng pondo sa NSA’s na walang isinusumiteng lehitimong opisyales, rehistrasyon sa Securities and Exchange Commission, rekord ng kanilang eleksiyon at maging ang listahan ng mga eskuwela.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Binalaan ni Garcia ang NSA’s dahil sa posibilidad na maipit ang pondong gagamitin para sa pagsasanay ng pambansang atleta sa nalalapit na paglahok sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.

Una nang kinastigo ng Team Philippines SEA Games Management naCommittee ang NSA’s bunga sa kabagalan ng pagsusumite ng hinihingi nilang shortlist sa mga isasaling atleta.

Una na nitong itinakda ang Marso 1 bilang deadline kahit pa sa Abril 1 ang huling araw na ibinigay ng SINGSOC.

“Alam naman natin na kapag sinabi mo na ganitong araw, saka pa lamang sila magsusumite ng requirements,” pahayag ni Team Philippines Chef de Mission Julian Camacho.

Pito pa lamang sa 33 NSA’s na ihahanay ng Pilipinas sa kada dalawang taong torneo ang nagsumite ng listahan kung saan ilan dito ang muling ibinalik ng Task Force matapos na magbigay naman ng long list.