Umapela ang mga miyembro ng Philippine Baseball Team na magamit nila ang pasilidad ng Rizal Memorial Baseball Stadium sa kanilang paghahanda para sa East Asia Cup (EAC), gayundin na maibalik ang kanilang buwanang allowance na mula sa Philippine Sports Commission (PSC).
Nabatid na napuwersang sustentuhan ng PH batters at kanilang coach ang mga sarili mula sa kanilang mga aktibidad sa nakalipas na siyam na buwan bunga ng patuloy na kaguluhan sa liderato sa kinaaaniban nilang Philippine Amateur Baseball Association (PABA).
Isa lamang ang PABA sa national sports association’s (NSA’s) na may magulong liderato matapos na hindi kilalanin ng Philippine Olympic Committee (POC) ang isinagawa nilang eleksiyon.
Puwersado naman ang PH batters na sumagupa sa East Asia Cup sa Marso sa bansa na isang qualifying para sa mga bansang nagnanais na mapasabak sa prestihiyosong World Baseball Cup.
Ito ay matapos na mabalitaan na kinilala ng POC ang liderato ni Marti Esmendi bilang presidente ng PABA na hindi naman sinang-ayunan ng mga namumuno ng baseball sa bansa.
“Ang pangunahin naming problema ay makapagpatuloy sana kami ng training sa Rizal,” sinabi ni national coach Egay delos Reyes. “Wala kaming permit, kaya hindi kami nakagagamit ng field. Sa gilid-gilid lang kami ng Rizal Memorial muna nagpapraktis.”
Ipinaliwanag ni Delos Reyes na dahil sa kawalan ng permit ay hindi makagagamit ang mga manlalaro, partikular ang mula sa probinsiya at maging ang hindi kabilang sa military, sa dormitory na nasa stadium.
Ipinagpasalamat naman nila sa biyuda ng namayapang presidente ng PABA na si Hector Navasero na nagrenta ng apartment para sa kanilang matitirhan.
Nakipag-usap na rin ang koponan sa bagong PABA Board na ipiprisinta nina Ely Baradas, Ping Remollo, Pepe Munoz at Norman Macasaet ang hinggil sa kanilang kahilingan.
Nangako naman ang board na ipararating nila sa matataas na opisyal sa sports ang kanilang mga hinaing.
Matatandaan na binuo ang koponan noong 2014 upang isali sana sa Incheon Asian Games subalit hindi nakasama sa delegasyon dahil na rin sa kaguluhan sa loob ng asosasyon.
Puwersado rin sila na idepensa ang korona sa East Asian Cup na dapat sana’y isinagawa noong Disyembre sa bansa ngunit iniliban na lamang sa Marso habang hinihintay na maisagawa ang eleksiyon.
“Ang champion dito ay makukuwalipika sa Asian Championships na importante naman para tumaas ang ranking natin para sa World Baseball Classic kaya hindi kami puwedeng magpabaya sa training,” pahayag ni Delos Reyes.
Magugunita na dahil sa matagal na kaguluhan sa PABA, napilitan ang PSC na tanggalin ang buwanang allowance ng 24-kataong koponan.
“Dedicated pa rin ang players kahit walang suweldo at walang pamasahe. Walang allowance since April 2014, pero sariling sikap kami, gumagawa ng paraan para mag-survive, salu-salo sa pagkain,” dagdag ni Delos Reyes.