EWAN KO SA IYO ● Magpahanggang ngayon wala pang ginagawang ingay ang kampo ni undefeated American boxer Floyd Mayweather Jr. Kaya kahit saang lupalop ng mundo tumingin ang Pambansang Kamao Manny Pacquiao, hindi niya makikita ni anino ni Mang Floyd. Hindi naman sa nananaguan na ang taklesang Floyd kundi ewan lang sa kanyan kung ano man ang ginagawa niya sa mga panahon ngayon. Nagpapa-skin bleaching siguro.
Pero humahakbang ang panahon at nangangati na ang mga kamao ni Cong. Manny. Kailangan na niyang matiyak ng laban nila ni Mang Floyd. Tatatak sana sa matitingkad na kulay ang bakbakang ito sa kasaysayan ng daigdig. Gayunman, napabalitang umaasa pa rin ang mga tagapangasiwa ni Mang Floyd na matutuloy ang laban upang magkamal uli ang mga kinauukulan ng salapi. Sumang-ayon naman ang kampo ni Pacman sa lahat ng gustong kondisyon ng kalaban pero wala pa ring ni ha ni ho itong si Mang Floyd tungkol sa pagkumpirma nito sa laban sa Mayo 2. Gayunman, ipinarating na umano ni Pacman ang itinakda niyang deadline sa kumpirmasyon ng laban kay Mang Floyd na hanggang katapusan lang ng buwang ito. Malamang na hindi na kakasa si Mang Floyd sa laban. Marahil nangangatog na ang tuhod nito may bumanggit lang ng pangalan ni Cong. Manny. Ang lahat ng pressure ay nasa kampo ni Mang Floyd. Kung hindi siya lalaban sa Pambansang Kamao, masasabing mananatili si Mang Floyd na undefeated sa 47 laban nito na hindi lumaban sa pinakamahusay na boxer sa buong daigdig. Hay naku, Mang Floyd, ewan ko sa iyo! Binibitin mo lang kami.
***
PAMPALIPAS-ORAS ● Kung wala kang gagawin at nais mong magpalipas ng oras, magmaneho ka na lang sa mga lansangan sa Metro Manila; garantisadong ubos ang panahon mo sa traffic. Napabalitang iniranggo ang Pilipinas na pang-siyam sa pinakamalalang traffic sa buong mundo. Ayon sa traffic index na inilabas ng Numbeo, sa 88 bansa na may pinakamalalang traffic na kanilang sinuri, naipuwesto ang ating bansa na pang-siyam, bagay na inamin ng gobyerno kung kaya magkukumahog itong ibsan ang lumalalang situwasyon sa traffic sa bansa. Sana nga mangyari ang mga pangako ng ating mga leader na pagbubutihin ang mga programa na nakatuon sa traffic. Sa tulong din ng Japan na magdidisensyo at magpapakilos ng paggawa ng imprastraktura, aasahan natin ang mabilis at maginhawang pagbibiyahe sa ating mga lansangan.