Ganap na maangkin ang inaasam na unang titulo sa liga ang sisikaping maisakatuparan ngayon ng Arellano University (AU) sa kanilang muling pagsalang kontra sa San Sebastian College (SSC) sa Game Two ng kanilang best-of-3 finals series ng NCAA Season 90 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Taliwas sa inaasahan, hindi nawalis ng Lady Chiefs ang Lady Stags sa Game 1 noong nakaraang Miyerkules kung saan, sa unang pagkakataon, ay nasingitan sila ng isang set ng kanilang katunggali nang angkinin ng mga ito ang set three.

Gayunman, kumpiyansa si coach Obet Javier na matatapos na nila ngayon ang laro at ganap nang maiuwi ang korona para sa Arellano.

``Siyempre lahat gusto nang makapagpahinga at magbakasyon Mula kasi nang matalo kami last year sa finals sa Perpetual talagang naghanda kaming mabuti this year para makabawi kami,`` ani Javier.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sa kabilang dako, nakasinag naman ng pag-asa para sa kanyang underdog na koponan, umaasa si multi-titled coach Roger Gorayeb na ibang Lady Stags ang haharap sa Arellano sa Game 2.

``Kailangan ng adjustment sa attitude ng ibang players. ‘Yung leadership at hinahanap kong versatility sa laro ni Gretchel (Soltones) nandoon na e, ibinigay na niya, ang problema hindi siya nasundan nang iba.``

``First set pa lang losing attitude na agad ‘yung makikita mo, very tentative ang mga galaw at walang setting. Parang asa na lahat kay Gretchel e, hindi puwedeng ganoon,`` ani Gorayeb.

``Given na ‘yung malalaki ang kalaban at hindi namin kayang tapatan ‘yung middle nila, pero may tsansa naman e. Team effort ang kailangan, hindi maaring 1-man team lang, dapat mag-respond ‘yung iba niyang (Soltones) kasama sa loob ng court,” dagdag pa ni Gorayeb.

Tinukoy ng Lady Stags mentor ang naglalakihang mga middle hitter ng Lady Chiefs na sina CJ Rosario, Rialen Sante at Shirley Salamagos na suportado pa ng power hitters na sina Menchie Tubiera at Danna Henson. Sa unang laro, sa juniors division, matapos ang kanilang ikalawang sunod na dominant win kontra sa Lyceum noong semifinals at sa Game 1, pormalidad na lamang ang inaasahan nila sa pag-angking muli ng University of Perpetual Help sa titulong huli nilang nakamit noong 2011.

Samantala, sa men`s division, sa kabila ng pagkuha sa 1-0 bentahe sa serye, sinabi ni College of St. Benilde (CSB) coach Arnold Laniog na mas paghahandaan nila ang Emilio Aguinaldo College (EAC) sa Game 2.

``Expected na namin ‘yun na talagang babawi ang EAC next game so mas maghahanda kami. Kung sa Game One ay inalis namin sa mga player ‘yung feeling of anxiety, dahil sa nakapasok kami sa finals, kaya relaks lang sila at lumabas ang natural na laro sa Game Two kaya’t sisikapin naming mawala ‘yung feeling of complacency na tinalo na namin ang EAC kaya matatalo namin ulit,`` pahayag ni Laniog.