Nagustuhan ni Pope Francis ang mga inihain sa kanyang pagkaing Pinoy — bukod sa hospitality — habang siya ay pabalik sa Rome.
Ipinatikim ng flag carrier na Philippine Airlines (PAL) sa Papa ang mga putahe sa 14-oras na biyahe pabalik sa kabisera ng Italy.
Sinabi ng crew members na ang papa ay unang hinainan ng arroz caldo (rice porridge with chicken bits) para sa merienda ngunit sinabi niyang nais niyang matikman ang dinuguan (pork blood stew) with buttered puto (steamed rice cake) matapos sabihin sa kanya kung paano ito inihahanda. Sinabi nila na nagustuhan niya ito at nasimot ang isang serving.
Mas pinili ng Papa ang seafood para sa kanyang entrée. Ang kanyang tanghalian ay Grilled Scallops with Fresh Spring Rolls at sa hapunan ay Gambas Ajillo on Quinoa Salad
Kilalang mahilig sa matamis, iniulat na ninamnam ng Papa ang dalawang flavor ng Carmen’s Best ice cream— ang Brown Butter Almond Brittle at Malted Milk. Nilantakan din niya ang ang isang supot ng Dorito’s Nacho Cheesier tortilla chips at Oishi Natural Sea Salt potato chips.
Para sa giveaways, binigyan ng PAL ang mga pasahero ng chocolate-dipped dried mango mula sa Cebu Best at crisp shortbread cookies mula sa Shorts Gourmet.
Itatago din ng PAL bilang souvenirs ang unan na ginamit ni Pope Francis sa kanyang pamamahinga sa mahabang biyahe pabalik sa Italy gayundin ang well-photographed zucchetto (skullcap) na nilipad ng hangin nang siya ay dumating mula sa Sri Lanka noong Enero 15, 2015.