Walang iregular sa lumitaw sa isang survey na nagsabing ikasiyam ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo may matinding problema sa trapik, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Base sa pag-aaral ng Numbeo.com, isang research company na nakabase sa Serbia, nagrehistro ang Pilipinas ng 202.31 puntos sa traffic index base sa nakolektang datos mula sa sitwasyon ng trapik mula sa 88 bansa para sa 2015 Traffic Index nito.
Lumitaw sa survey na ikaapat ang Pilipinas na may pinakamatinding trapik sa Asya habang ang Bangladesh ang nangunguna sa listahan na mayroong 280.43 puntos sa traffic index.
Ayon pa sa survey, umaabot sa 45.50 minuto ang nasasayang ng isang regular commuter upang makabiyahe sa kanyang destinasyon.
Nang hingan ng komento, sinabi ni Tolentino na sinasalamin ng survey ang “high urban density” ng Metro Manila.
“Dumarami ang bilang ng mga sasakyan sa Metro Manila dahil nagkakaroon ng economic opportunities, recreational opportunities, andyan din ang mga medical facility,” saad ni Tolentino.
Inihalintulad ng MMDA chairman ang lumalakas ng ekonomiya ng Metro Manila sa mauunlad ng siyudad sa ibang bansa tulad ng Tokyo, Rome, Milan, Jakarta, Bangkok.
Subalit lumitaw din sa survey na kailangan nang mailipat ang mga industrial center sa labas ng Metro Manila at isulong ang long term solution upang mapabuti ang mga pampublikong sasakyan upang makasabay sa mabilis na pag-usad ng ekonomiya ng Pilipinas.