Ang kanyang mga naranasang kabiguan at mga kakulangan bilang coach sa amateur at collegiate ranks ay nabura nang lahat ni Leo Austria ng makamit ng San Miguel Beer ang titulo sa katatapos na 2014-15 PBA Philippine Cup.
Ang tagumpay na nakamit ng Beermen sa pamamagitan ng kanilang 80-78 paggapi sa Alaska ang tumapos sa kanilang finals series sa 4-3.
Nakatikim na ng kampeonato ng maging head coach ng Welcoat sa dating amateur league na Philippine Basketball League (PBL) at ASEAN Basketball League para sa San Miguel Beer, dumanas din ng kabiguan si Austria sa kanyang pagiging head coach ng Adamson sa UAAP.
"Sobrang saya at talagang napakasarap nito kasi talagang unexpected ito," ani Austria tungkol sa muling pagbibigay sa prangkisa ng Beermen ng All-FIlipino title na huli nilang nakamit noon pang 200l.
"Siyempre, PBA ito, ito na 'yung pinakamataas na liga sa Pilipinas kaya I'm very happy and proud of my players," ayon pa kay Austria na tinutukoy ang hindi pagbitaw ng kanyang mga manlalaro matapos ang ikaapatna pagkakataonnang burahin ng Aces ang kanilang naitayong malaking kalamangan na umabot pa sa 23 puntos.
"Lahat ng hirap na dinaanan ko sa amateur at sa collegiate, nagbunga lahat iyon dito sa PBA. And with this championship, it means I can compete," wika pa nito na hindi man nagpaliwanag ay may pahiwatig tungkol sa kanyang mga kritiko sanhi na rin ng tatlong beses na pagkatalo nila sa Aces sa finals series na ang lahat ay pawang came-from-behind victory.
Kabilang na dito ang Game One, Game Three at Game Six kung saan ay nakalamang sila ng 21, 16 at 20 puntos, ayon sa pagkakasunod, ngunit natalo pa rin sila ng Aces.
Samantala, kahit tinalo ang Aces, hindi naman itinago ni Austria ang malaking paghanga sa dati nitong manlalaro na si Alex Compton sa nagawa nito para sa koponan.
" Both of us are deserving to win, kaya lang isa lang ang puwedeng manalo," ayon pa kay Austria.