Naghain ang National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong pagpatay laban kay Iligan City Mayor Celso Regencia at sa 15 iba pa kaugnay ng tangkang pananambang kay Iligan City Rep. Vicente Belmonte noong Disyembre.

Kabilang sa mga kinasuhan ng multiple murder at multiple frustrated murder sa Office of the Provincial Prosecutor sa Misamis Oriental sina Iligan City Mayor Celso Regencia, PO2 Peeje Capangpangan, PO2 Alfeo Arnaco, Amado Baller (a.k.a. “Dongki”), Romeo Suganub (a.k.a. “Loloy Suganub”), Rogelio Pitos Sr. (a.ka. “Kim”), Dominador Tumala (a.k.a. “Kumander Parras”), Julito Oros Ansad (a.k.a. “Bino”), Dodo Silvano, Rogelio Pitos Jr., at limang “John Does.”

Sa panayam, sinabi ni NBI-Iligan District Office (NBI-ILDO) Chief Alex Cabornay na lumitaw sa imbestigasyon at salaysay ng mga testigo na pulitika ang motibo sa likod ng pananambang kay Belmonte.

“Inihayag na ni Congressman Belmonte na tatakbo siya bilang mayor ng Iligan dahil ito na ang kanyang huling termino bilang kongresista. Nais naman ni Mayor Regencia na tumakbo uli. Kung talagang makakalaban niya sa pulitika ay si Belmonte, hindi nakasisiguro si Regencia na mananalo siya,” pahayag ni Cabornay.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Disyembre 11, 2014, kaaalis lang ni Belmonte sa Laguindingan Airport nang paulanan siya ng bala ng hindi pa kilalang mga suspek. Tatlong security detail ng alkalde ang napatay habang nagtamo naman ng maliit na sugat sa kamay si Belmonte sa insidente.

Dalawang araw matapos ang pananambang ay naaresto ng pulisya ang 52-anyos na si Tumala, ng Sergio Osmeña, Zamboanga del Norte.