Ipinagtibay ng Korte Suprema ang “freedom of the speech and expression” at “right to property” ng Simbahang Katoliko nang desisyunan nito ang noon ay kontrobersiyal na “Team Buhay, Team Patay” poster ng Diocese of Bacolod.
Sa botong 9-5, idineklara nitong unconstitutional ang utos ng Comelec na alisin ang nasabing tarpaulin na inilagay sa pader sa harapan ng San Sebastian Cathedral sa Bacolod City noong Pebrero 2013.
Nakasaad sa nasabing poster ang pangalan ng mga kandidato sa pagkasenador na bumoto laban sa Reproductive Health Law na kabilang sa “Team Buhay at Team Patay” na naglalaman ng pangalan ng mga senatorial candidate na bumoto sa pagpasa ng batas.
Sa liham ng Comelec na may petsang Pebrero 27, 2013, iniutos ng ahensiya kay Bishop Vicente Navarra ang pagtatanggal sa poster dahil ito raw ay maituturing na election offense.
Sumobra raw kasi ang size ng poster sa itinakdang laki ng campaign material ng Comelec.
Pero ayon sa Korte Suprema, unconstitutional ang kautusan ng Comelec.
Iginiit ng Kataas taasang hukuman na walang kapangyarihan ang Comelec na kontrolin ang freedomof expression ng mga pribadong mamamayan na hindi naman kandidato at hindi rin myembro ng alinmang political parties.
Ipinunto rin ng korte na nalabag ng Comelec ang rights to free speech and expression ng Diocese of Bacolod na petitioner sa kaso.
Nalabag din umano ang right to property ng petitioner, at ang nilalaman ng tarpaulin ay hindi naman maituturing na religious speech kahit pa ito ay isinulat o ipinasulat ng obispo ng Bacolod.