Wala man sa kanilang mga kamay ang kapalaran, kung makakamit ang twice-to-beat incentive papasok sa quarterfinals, sinikap ng Cebuana Lhuillier na maipanalo ang kanilang huling laro sa eliminations kahapon, 93-62, kontra sa MP Hotel bilang paghahanda na rin sa susunod na round ng PBA D League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nakatiyak lamang sa quarterfinals berth ang Gems dahil hindi pa sila siguradong makakamit ang No. 4 spot sa pagtatapos ng eliminations dahil kailangan pang hintayin ang resulta ng laban sa pagitan ng Jumbo Plastic at MJM-M Builders na kasalukuyang naglalaro habang sinusulat ang balitang ito.
Sakaling manalo ang Jumbo, sila pa rin ang papasok sa No. 4 at kukuha ng insentibong twice-to-beat sa playoffs sa bisa ng winner-over the other rule.
Ngunit kung matatalo ang Giants, ang Gems ang kailangan nilang talunin ng dalawang beses sa quarters.
Pinangunahan ni Norbert Torres ang nasabing panalo ng Gems kontra sa Warriors sa kanyang itinalang 22 puntos at 8 rebounds, bukod pa sa 6 assists, 3 steals at 1 block.
Nag-ambag naman ang mga kakampi nito na sina Almond Vosotros, Clark Bautista at Allan Mangahas ng 13, 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Sa kabilang dako, tumapos na top scorer para sa Warriors na nagtala ng 1-10 (panalo-talo) record sa kanilang debut sa liga si Hernal Escosio at Jan Jamon na nagposte ng tig-11 puntos.