Panghihinayang subalit nababalutan ng pagmamalaki ang magkahalong damdamin na naibulalas ni Alaska coach Alex Compton makaraang mabigo ang kanyang Aces na makamit ang asam nilang All-FIlipino title matapos yumukod sa San Miguel Beer, 3-4, sa katatapos na 2014-15 PBA Philippine Cup finals series.

" The disappointment is about the result than the effort," ani Compton.

"It's like this weird mixture of pride in the way our guys fought back and tremendous disappointment in not closing it out," dagdag pa nito.

Tinapos ng Beermen, sa pamumuno nina reigning league MVP at Best Player of the Conference na si Junemar Fajardo at Finals MVP na si Arwind Santos, ang Game Seven sa pamamagitan ng 80-78 panalo noong Miyerkules ng gabi.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Naiposte ni Fajardo ang 20-20 produksiyon, ang isang record ng isang lokal na manlalaro sa liga sa isang Game Seven, matapos na umiskor ng 21 puntos at 25 rebounds, bukod pa sa 2 assists at 1 block habang nag-ambag naman si Santos ng 22 puntos, kabilang na rito ang game turning 3-pointer sa huling 46 segundo sa laro, bukod pa sa 12 rebounds, 2 assists, 4 blocks at 3 steals.

Buhat sa pagkakaiwan sa 23 puntos, 25-48, sa huling bahagi ng first half, nakabalik ang Aces sa pamumuno ni Calvin Abueva at nakuha pang lumamang ng 6 puntos, 74-68, sa pambungad ng fourth period.

Ngunit dahil sa nasabing 3-pointer ni Santos, nabawi ng Beermen ang kalamangan, 79-78, para tuluyang angkinin ang tagumpay.

``Playing for 47 minutes, to have the legs to make that shot, that’s really tough,`` pahayag ni Compton. ``That`s a huge shot in a Game Seven of an All-Filipino series.``

Ayon kay Compton, mistulang nasikmuraan sila bilang kinikilalang best defensive team ng liga na naisahan sila ni Santos sa nasabing three pointer.

Gayunman, hindi naman aniya matatawaran ang ipinakitang laro ng lahat ng player na kanyang ipinasok sa loob ng court dahil sa kanilang naging kontribusyon lalo na sa kanilang pinakamalaking pagbangon sa serye.

``It`s like getting punched in the gut that makes you feel sick in the stomach. It`s really weird because in the mix of that pain there is tremendous pride in that effort I have required a lot for everybody in my team.”

Subalit ayon kay Compton, kung mayroon mang ipagmamalaki ang San Miguel Beer at ipagdiriwang na tagumpay, kahit nasa gitna ng lungkot sanhi ng kabiguan, ay kaya rin umanong magmalaki ang Aces sa ipinakita nilang kabuuang performance sa finals.