Isang taxi driver ang namatay matapos barilin ng dalawang hindi kilalang holdaper sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Dead on arrival sa Pagamutang Bayan ng Malabon ang biktimang si Gerardo Orias, 42, may asawa, residente sa Barangay Longos ng nasabing lungsod, sanhi ng apat na tama ng bala ng cal. 45 sa katawan.

Putok din ang ulo nito na hinihinalang iniuntog muna sa salamin ng sasakyan at may black eye sa mata na pinaniniwalaang sinuntok din ng mga suspek.

Ayon sa report, bandang 1:00 ng madaling araw, nakita ng mga barangay tanod na pumarada ang Caayon taxi (UVK -320) ni Orias sa kanto ng Lapu-Lapu Street, Malabon City, bumaba ang dalawang lalaki at pagkatapos ay pinagbabaril ito at tumakas.

Metro

Klase, government offices sa NCR, Region III at IV-A suspendido sa Hulyo 25

Nang puntahan ng mga tanod si Orias ay nakita nila itong duguan at bukas pa ang makina ng sasakyan. Wala na ang cellphone at perang kinita ng biktima sa magdamag na pamamasada.

Ayon sa maybahay ni Orias na si Rowena, tumawag pa sa kanya ang mister dakong 10:00 ng gabi at sinabing hindi pa ito gagarahe dahil P600 pa lang ang pera nito.