Walang nakikitang mali si Senator Antonio Trillanes IV sa pahayag ni Pangulong Benigno S. Aquino III hinggil sa umano’y pagpapabaya ng ilang leader ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas hinggil sa mga atraso sa sambayanan ng nakalipas na mga administrasyon.

Ayon kay Trillanes, nararapat lang ang pahayag ni Aquino sa talumpati nito sa courtesy visit ni Pope Francis dahil may katotohanan ang mga isyung tinalakay nito.

Aniya, maging siya ay makakapagpatunay na talaga namang tikom ang bibig ng ilang leader ng Simbahan noong panahon ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi ni Trillanes na may mga nasuhulan na pari at obispo kaya dapat lang na ipaalam ito sa Santo Papa.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Para naman kay Senator JV Ejercito, hindi dapat na isapubliko ni Pangulong Aquino ang mga hinaing ito.

Aniya, may pribadong usapan ang dalawang pinuno at dapat doon na lang ito binanggit.

Una nang sinabi ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na nagsasabi lang ng totoo si Pangulong Aquino nang batikusin nito ang pagsasawalang-kibo ng ilang leader ng Simbahan sa mga isyung katiwalian na kinasangkutan ng mga nakaraang administrasyon.