Pinagtibay ng Korte Suprema ang paghahain ng Office of the Ombudsman ng kasong plunder sa Sandiganbayan laban kay Senador Jinggoy Estrada.
Ito ay makaraang ibasura ng Kataas-taasang Hukuman sa botong 9-5, ang petisyon ni Jinggoy na kumukuwestiyon sa desisyon ng Ombudsman na may sapat na batayan para sampahan ng kaso sa Sandiganbayan ang mambabatas.
Nag-ugat ang kaso sa diumano’y pagkakasangkot ni Estrada sa multibilyong pisong pork barrel fund scam.
Ayon sa Supreme Court, nabigo si Estrada na maglahad ng sapat na detalye ng kanyang paratang laban sa Ombudsman.
Si Senior Associate Justice Antonio Carpio ang ponente sa kasong ito.
Iginiit ni Estrada sa kanyang petisyon na dapat mapawalang-saysay ang joint resolution na ipinalabas ni Ombudsman Conchita Carpio Morales noong Marso 28, 2014 at ang ginawa nitong pagbasura sa kanyang inihaing motion for reconsideration sa kautusan ng korte noong Hunyo 4, 2014 dahil nalabag ang kanyang karapatan sa due process.