Ibinunyag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang plano ng Abu Sayyaf Group (ASG) na salakayin ang Zamboanga City Reformatory Center upang iligtas ang kapatid ni ASG leader Furuji Indama na nakapiit ngayon sa pasilidad.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Restituto Padilla, ibinunyag ng mga bilanggo ang nasabing rescue operation kay Bensar Indama, ng Abu Sayyaf Group.
Sinabi pa ni Padilla na matagal na umanong pinaplano ng ASG ang nasabing rescue operation ngunit dahil sa matinding pagbabantay at monitoring ng militar kung kaya hindi naisagawa ang kanilang plano.
Noong Lunes, Enero 19, nasabat ng mga jail guard ang mga bala at armas na tangkang ipuslit sa loob ng kulungan dahilan upang maunsiyami ang planong rescue operation.
Sinabi ni Padilla na inilagay na sa alerto ang buong Zamboanga Peninsula lalo na ang Zamboanga City dahil sa nasabing pagkilos ng mga bandido.
Ayon kay Padilla, na desidido si Furuji na sagipin si Bensar sa loob ng kulungan anuman ang mangyari.
Dahil sa nasabing plano ng ASG, hinihiling na ilipat sa kulungan na may mas mahigpit ng seguridad ang mga tinaguriang high profile inmate.