Aminado ang tinaguriang “Luneta emcee” na si Father Hans Magdurulang, na naiyak siya matapos na i-bash ng netizens ang kanyang istilo nang paghu-host.
Si Magdurulang ang nagsilbing emcee o master of ceremonies sa misa sa Quirino Grandstand na pinangunahan ni Pope Francis nitong Linggo.
Humingi ng paumanhin si Magdurulang sa mga taong nadismaya sa kanyang istilo ng hosting.
Nilinaw niya na sinunod lamang naman niya ang instruksyon na ibinigay sa kanya na huwag munang paalisin ang mga taong dumalo sa Luneta at pangunahan ang mga ito sa pag-cheer sa Santo Papa habang nagmo-motorcade matapos ang misa.
Sinabi ni Magdurulang na dahil wala siyang Facebook at Twitter account ay kahapon lamang niya nalaman na may ilan palang taong hindi natuwa sa kanyang ginawa na ayon sa iba ay ginawang isang variety show at sinira ang solemnity ng okasyon sa paulit-ulit niyang paghikayat sa anim na milyong nagtipon sa Luneta na sumigaw ng “Mabuhay, Pope Francis” at pasimulan ang “Pope Francis wave.”
“With all humility and sincerity din po, sorry po talaga sa mga nadismaya po sa akin. Kung sa tingin po ninyo, nasira ko po ‘yung pagdiriwang... I am so sorry po talaga,” ani Magdurulang, sa panayam sa radyo.