HABANG binibigkas ni Pope Francis ang panawagan sa mga pulitiko na manilbihan ng may integridad; hindi lamang ang pagbaka laban sa katiwalian, bagkus gawing prinsipyo ito at manindigan sa mataas na antas sa pagkalinga at paninilbihan sa maliliit at mahihirap, halatang ang mga taga-Palasyo kanya-kanyang yuko na gustong maghanap ng lunggang mapagtataguan; o kungyari tumitingin sa kanilang sapatos, ang iba, sa kisame hinuhugot ng kung ano na kunwari walang naririnig. Silang lahat, nag-iiwasan ng tingin. Tama nga naman! At baka pagnagkatitigan ay magkakakilanlan na ka-tropa pala – kabarilan, kaklase, ka-raket.
Nakalulungkot na talaga ang estado ng ating demokrasya. Hindi lang pamumulitika. Mismong ang ating demokrasya na. Halimbawa, noong 2004 kung ang isang matinong tao ay nais manilbihan bilang gobernador sa Cebu, ang gagastusin niya upang maging seryosong kandidato ay P100 milyon. Sa 2016 - ang pondo na kailangang ipunin ay P300 milyon. Saang lupalop at kaninong Hudas mo lilikumin ang ganitong halaga, kung ang tangi mong dasal ang manilbihan nang tapat? Paano pa kung tatakbo ka bilang Pangulo? Bilyones ang gastusin. Masasangla mo talaga hindi lang ang puri mo, pati kaluluwa naka buena mano na rin, sa ganitong halaga. Ang kapakanan ng taumbayan maisasantabi mo nga naman dahil maraming maniningil sa utang-na-loob at paluwagang iniabot sa kandidato. May isang may-ari ng kilalang mall na kahit sa kaninong presidente namamayagpag. Estilo niya ay hindi lang tawagan sa telepono ang kandidato. Hindi rin ang magpadala ng tao upang i-abot ang kanyang kontribusyon. Style niya personal na makipagkita sa kandidato. Mag-kape, kumain, kwento-kwento, tawanan, tapos sa huli iparada ang kahun-kahong donasyon na bilyun-bilyong piso sa harap ng pulitiko.
Kaya sa ganitong kalakaran, ang mga higanteng korporasyon ang yumayaman lalo. Sa kanila natetengga ang mga kontratang mas magpapalobo sa kanilang kita bilang kabayaran. Siyempre, may tongpats din ang pulitiko. Dahil sa PCOS pa, maaari na bilhin ang resulta sa mataas na halaga. Kaya naglilikom ang mga pulitiko ng salapi. Panawagan – “Bawal ang magnanakaw sa 2016!” Huwag iboto ang magnanakaw.