Umapela ng pang-unawa si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino sa publiko kaugnay sa pagkakaantala ng paglilinis at paghahakot ng mga naiwang basura sa katatapos na papal visit.
Ayon kay Tolentino karamihan sa mga ipinakalat na MMDA personnel simula pa noong pista ng Itim na Nazareno diretso ng limang araw na pagbisita ng Santo Papa sa bansa ay nagkasakit na matapos ang walang tigil na ulan dulot ng bagyong (Amang) kaya nagkukulang ang ahensiya ng tauhan.
Marami sa mga tauhan ng MMDA ang naubusan ng tubig sa katawan, nilagnat at may sipon na kinakailangan ng ibayong pahinga bunsod ng walang tigil na pagtatrabaho buhat pa noong Enero 9 hanggang 19.
Sa kabila ng abiso ng opisyal ng MMDA na magpahinga muna ang mga may sakit, ilan pa rin sa mga ito ang nagpumilit na pumasok at magtrabaho na naging inspirasyon ang mga biyaya, basbas at habilin na iniwan ng Santo Papa sa mga Pilipino bago bumalik ng Roma.
Hindi pa rin natatapos hakutin ang mga naiwang basura sa Quirino Grandstand sa Luneta na pinagdausan sa isa sa pinakamalaking misang dinaluhan ni Pope Francis sa kasaysayan matapos umabot sa 6 milyong deboto ang nakiisa dito noong Enero 18.
Kahapon sinisikap naman ng MMDA na tapusin ang paglilinis sa lugar at hakutin ang natitirang basura sa Luneta gayundin ang pagsasaayos at pagmamando ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Samantala pinarangalan at binigyang komendasyon kahapon ni Tolentino ang kanyang mga tauhan na sumabak sa pista ng Itim na Nazareno at sa Papal visit partikular ang mga ipinadala sa misa ng Santo Papa sa Tacloban City.
Ipinagkaloob ni Tolentino ang “Matatas Merit Award” sa mga MMDA personnel katumbas ng isang star na magagamit naman sa pagtataas ng ranggo o promosyon ng mga ito.